Photo of Tinipak River in Daraitan, Tanay, Rizal where pristine white rocks contrast against the refreshing embrace of cold, crystal-clear waters.

Nakabibighani talaga ang ganda ng Daraitan, at gugustuhin mong balikan ito. Sa simula pa lang ng trekking namin, sumasalubong na agad ang nakamamanghang tanawin ng Bundok Daraitan, mga puno, at malinis na ilog kung saan nagtatampisaw at naliligo ang ilang mga bata. Sa isip ko, “Ang saya naman dito. Kapag naiinitan, ilang hakbang lang makakapagpalamig ka na agad sa ilog.” Sa pagbabaybay namin sa paanan ng Daraitan, nadiskubre ko rin mula sa kasama ko na marami palang halamang nadadaanan ang puwedeng kainin gaya ng kulitis, gabi, at kamoteng kahoy.

© Greenpeace

Pinakaumagaw talaga ng pansin ko ay ang mga tipak-tipak na mga bato na nakikita ko lang sa social media. Iba pa rin talaga ang ganda nito pag harap-harapan mo na itong nakikita. Hindi ko rin malilimutan ang karanasan sa mga rock formation. Akala ko kasi tatanawin lang namin at magpapakuha lang kami ng retrato dito. Hindi ko inasahan na mapapasabak din kami sa rock climbing, dahil kailangan din pala naming mag-aakya’t baba sa mga batong iyon para marating ang Daraitan cave. Unang pagkakataon kong makapasok sa isang kweba! Balot na balot ito sa dilim. Kaya sobrang mangha ko nang masilawan ng headlight ko ang mala-chandelier na stalactite at stalagmite. Ang suwerte din namin dahil pinayagan kami maligo doon. Nagulat ako nung lumusong ako sa tubig. Ang lamig! Para akong nag-ice bucket challenge sa sobrang lamig ng tubig.

© Greenpeace
© Mikaella Santos

May mga sandali ring huminto kami para hintayin ang mga kasamahan namin. Kaya umupo at sumandal muna ako doon sa isa sa mga malalaking bato. Habang nakasandal, pinagmasdan ko ang maaliwalas na langit, mga dahon na nahuhulog mula sa puno, at mga ibong lumilipad. Sinamantala ko rin ang pagkakataong namnamin ang preskong hangin, pakinggan ang lagaslas ng tubig, at huni ng mga ibon at kuliglig. Doon, tuluyan kong naramdaman ang pagpawi ng pagod mula sa isang linggong kayod sa trabaho at pakikipagsabayan sa bilis ng buhay sa lungsod.

© Greenpeace

Pagkatapos sa kuweba, naglakad na kami pabalik sa bukana ng Brgy. Daraitan. Habang naglalakad, di mawala sa isip ko ang sinasabi nila na lulubog lahat ng nadaanan namin kapag itinuloy ang Kaliwa Dam. Nakaramdam ako ng kaunting kirot sa puso. Di ko na siguro mabibisita muli ang kuweba, o mararanasan ang nakakapagod pero nakaka-enjoy na rock climbing sa mga tipak-tipak na bato. Di na rin makapag-relax sa pagmamasid-masid sa mga puno at tipak-tipak na bato, at pakikinig sa mga huni ng ibon at kuliglig. Kung matuloy man ang pagpapatayo ng dam, baka puro tubig at konkreto na lang ang tanawing sasalubong.

Sa isang buong araw na pagbisita sa Daraitan, ramdam ko ang lungkot at hinayang sa nagbabantang pagkawala nito. Paano pa kaya ang bigat at sakit na nararamdaman ng mga katutubong Dumagat-Remontado na matagal nang nananinirahan doon? Paano na ang pinanggagalingan ng kanilang hanapbuhay? Paano na ang kinalakihan nilang tirahan na minana pa nila sa kanilang mga ninuno? Ilang daan-taon na nila itong pinangalagaan at pinoprotektahan. Hindi lang yaman ng kalikasan ang nanganganib na mawala, kundi pati na rin ang yaman ng kultura ng mga katutubo rito. Sa isang iglap, lulubog ang lahat ng ito dahil kailangan diumano na ipatayo ang Kaliwa Dam para matugunan ang dagdag na pangangailangan ng lungsod sa tubig.

© Greenpeace

Bago umuwi, pinagmasdan ko muli ang tanawin na unang sumalubong samin. Ganoon pa rin ang naramdaman noong una ko itong makita—pagkamangha, katahimikan, at ginhawa sa payak na kapaligiran. Malayong-malayo sa ingay ng lungsod na uuwian ko.

Magkahalong galit at lungkot ang nararamdaman ko kapag naiisip ko ngayon na sa pagbibigay-buhay sa lungsod, maraming mapipinsala at mawawalan ng tirahan, hanapbuhay, at kultura ng mga katutubo sa Daraitan. Habang nakikiisa at inaalala natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo ngayon, kailangan na kailangang madala natin sa mas nakararami ang mga hinaing ng mga katutubo, lalo na sa kapakanan ng kalikasan. Mas dapat silang pakinggan ng mga kinauukulan kung paanong pagsasabayin ang pag-unlad at pangangalaga hindi lang sa kalikasan, kundi pati na rin sa pamumuhay ng mga komunidad sa bundok at maging ng mga nasa lungsod. Sa susunod na pagkakataong makabalik, sana ay naroon pa rin ang Daraitan na nagpamangha sa akin at wala na ang banta ng dam na balak itayo rito. Bukod sa kagustuhan kong mabalik-balikan ito para makita at maranasan muli ang bighani ng Daraitan, gusto ko ring maranasan at maintindihan ninyo kung bakit malaking kawalan kung hahayaan lang natin na lumubog ito.

Suportahan ang mga grupong naglalayong protektahan ang ganda ng Daraitan at ang karapatan at kabuhayan ng mga kapatid nating katutubo na namumuhay dito. Lagdaan ang kanilang petisyon o i-follow ang kanilang Facebook page.

The activities that were mentioned here are part of “Ecogala” – a program organized by UPLB-ECOSYSTEMSS and was attended by different Dumagat-Remontado Indigenous Peoples organizations, Angat Kalikasan, Worldwide Teach-in for Climate Justice, and Greenpeace Philippines.


About the Author:

Dara is the Digital Marketing Lead for the Community Leadership for Environment and Active Democracy (CoLEAD) project of Greenpeace Philippines. Having spent her formative years in Tacloban, she has experienced firsthand the impact of extreme weather events like Super Typhoon Yolanda.

In her spare time, she loves to engage in ‘flânerie,’ which involves walking aimlessly in random places around the Metro. This is her way of unwinding and searching for insights.